-- Advertisements --

VIGAN CITY – Muling nanawagan sa publiko ang Department of Health (DOH) na panatilihin ang malinis na pangangatawan at kapaligiran, gayundin na ugalihin ang pagpapabakuna upang hindi na madagdagan pa ang mga polio cases sa bansa.

Ito ay matapos kumpirmahin kahapon ng DOH na mayroong mga bagong polio cases na naitala sa Mindanao kung saan unang naitala ang kauna-unahang kaso ng nasabing sakit matapos ang 19 na taon.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, binigyang-diin ni Health Undersecretary Eric Domingo na mahalaga ang pagpapabakuna laban sa polio upang maiwasang mahawa sa virus na nagdudulot ng nasabing sakit.

Ayon kay Domingo, nakakatulong din upang maiwasan ang polio virus ang proper hygiene at paggamit o pag-inom ng malinis na tubig kapag naghahanda ng pagkain.

Isa rin aniya sa pinakamabisang paraan upang maiwasan ang polio virus ay ang paggamit ng malinis na palikuran upang hindi kumalat ang mga virus na galing sa dumi ng tao na maaaring pagsimulan ng sakit na polio.

Kasabay nito, hinimok ng opisyal ang publiko na kung maaari ay magmove-on na sa isyu ng dengvaxia scare at pabakunahan ang kanilang mga anak lalo pa’t bukas, November 22 hanggang December 5, ay magsisimula na ang ikatlong round ng polio vaccination sa Metro Manila at ang second dose ng bakuna sa Mindanao.