-- Advertisements --

Nanindigan ang kampo ni Vice President Sara Duterte na handa itong sumagot sa lahat ng alegasyon laban sa kaniya na nakapaloob sa ika-apat na impeachment complaint.

Ayon kay VP Sara legal counsel at spokesperson Atty. Michael Poa, mula pa noong sinabi ng pangalawang pangulo na gusto niya ng bloodbath ay naihanda na ng buong kampo ang lahat ng argumento at kasagutan, sa pagtutulungan ng 16 na abogado.

Giit ni Poa, nakikinig si VP Sara sa kolektibong diskusyon ng kaniyang legal team at sumusunod ito sa kanilang mga payo.

Sa katunayan aniya, madali lamang ang ginagawang ”brainstorming process” ng legal team, lalo na at abogado rin ang pangalawang pangulo, kaya’t kampante ang kampo sa kahandaan na sagutin ang lahat ng alegasyon.

Sa gitna rin ng ispekulasyon na posibleng may maghahain muli ng impeachment complaint laban sa pangalawang pangulo pagsapit ng Pebrero ng susunod na taon, naniniwala si Poa na handa ang pangulong harapin ang mga alegasyon na posible muling iharap, kahit pa may idadagdag sa naunang mga alegasyon.

Ayon kay Poa, bukas ang kampo ng pangalawang pangulo sa anumang ihaharap sa kaniya, kasama na dito ang posibleng oral argument kung ipag-uutos man ng Korte Suprema, matapos ang ilang motion for reconsideration na inihain sa korte.

Sa kasalukuyan ay pinaghahandaan na rin ng naturang kampo ang kanilang kasagutan sa MR na unang inihain ng Kamara de representantes.

Tiyak aniyang maihahain ito ng kampo sa loob ng sampung araw na ibinigay ng SC bilang palugit.