Kinumpirma ni Philippine National Police (PNP) Chief PGen. Nicolas Torre III na pinalitan na ang liderato ng Explosive and Ordinance Disposal K9 Group ngunit tumanggi muna ang hepe na ipaliwanag kung ano ang dahilan sa likod ng pagbabago na ito.
Sa kabila nito ay binigyang diin naman ni Torre ang buong suporta ng Pambansang Pulisya sa K9 yunit ng kanilang hanaybna itinuturing ring mahalagang bahagi ng malalaking operasyon.
Magugunita naman na kamakailan lamang ay napukaw ang atensyon ng publiko sa K9 dog na si Kobe dahil sa pisikal na kaanyuan nito, payat kasi ang naturang service dog.
Agad naman na namahagi ang National Police Commission (NAPOLCOM) sa pangunguna ni NAPOLCOM Commissioner Vice Chairperson and Executive Officer Atty. Rafael Vicente Calinisan ang pagpapaabot ng tulong kay Kobe sa pamamagitan ng dog food at bitamina.
Dahil dito ay inihayag nman ng hepe na dapat maging maalam ang publiko sa kaibahan ng mga pet dogs sa mga working o service dogs dahil ang mga ito ay sumailalim sa trainings para sa pagpapanatili ng seguridad.
Gayunpaman ay nagpasalamat si Torre sa mga iba pang mga furparents na nagpakita ng kanilang suporta at malasakit sa mga service dogs at sinabi na bukas ang Pambansang Pulisya sa lahat ng suhestiyon at komento na para naman sa ikaaayos at ikakaganda pa ng kanilang serbisyo sa publiko.