-- Advertisements --

Magsisimula na bukas, Agosto 14 ang gun ban at election period para sa kauna-unahang Bangsamoro Parliamentary Elections. Ito ay magtatagal hanggang Oktubre 28 ng kasalukuyang taon. Ayon kay COMELEC Chairman George Erwin Garcia, magsisimula na silang mag-deploy ng checkpoints sa rehiyon ng Bangsamoro ngunit pagtitiyak niya na hindi ito makaapekto sa pang-araw-araw na gawain ng mga mamamayan sa lugar.

Ani pa ni Garcia, sa ngayon ay wala pa naman silang nakikitang hotspot areas na kailangang bantayan gayundin ang pagdagdag ng mga tropa dahil hahayaan muna ng COMELEC ang mga sandatahang lakas sa rehiyon. Dagdag pa niya, tatanggalin muna sa ilalim ng COMELEC Control ang Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte at Buluan, Maguindanao del Sur sa pagsisimula ng election period.

Samantala, inihayag din ni Garcia na nakahanda na silang sanayin sa susunod na linggo ang nasa 1000 PCG personnel upang tumulong sa mahigit 9000 Board of Electoral Inspectors (BEIs) para sa BARMM Parliamentary Elections.

Aniya, kaya mula PCG na ang kanilang itinalaga para humalili dahil magpopokus ang Pambansang Kapulisan sa pagbabantay sa seguridad.

Kaugnay pa ng paghahanda ng poll body sa halalan sa Bangsamoro, nakatakda ring magpulong sila kasama ang 7 political parties, PPCRV, NAMFREL, LENTE at ilang concerned groups upang pag-usapan ang isyu ng none of the above feature sa balota ng BARMM Parliamentary Elections.

Isa kasi sa iniisip ng komisyon ay kung anong mangyayari kung ang none of the above ang nakakuha ng mahigit 50% na boto, ano ang magiging implikasyon nito.

Aniya, kung sakaling may gagawing guidelines at pagbabago, marapat na nahingi muna ang posisyon ng mga concerned groups ukol dito.