Nakapamahagi na ang Land Transportation Office (LTO)–National Capital Region ng hanggang 50,000 replacement plates sa kabuuan ng 2025.
Batay sa report ng LTO, ito ay mahigit 194% na mas marami kumpara sa mahigit 17,000 lamang na nailabas nitong nakalipas na taon.
Ayon kay LTO Chief Assistant Secretary Markus Lacanilao, resulta ito ng mas malawak at pinaikling mga proseso, online verification tools, at bagong client-centered innovations.
Binigyang-diin ng opisyal na ang mga repormang ipinatupad ng LTO ay naging daan para mapabilis ang paglabas ng mga plaka, lalo na sa Replacement Plate Inquiry System na makikita sa opisyal na LTO–NCR website.
Naging malaking tulong din aniya ang ipinatupad ng LTO–NCR na Replacement Plate Delivery Request Form. Ito ang nagbibigay-daan sa mga motorista sa NCR na ipa-transfer o ipa-deliver sa mas malapit na LTO office ang kanilang replacement plate.
Apela ng opisyal sa mga motoristang mayroon pang nakabinbin na replacement plates para sa 2024 at 2025, regular na bantayan ang updates mula sa Replacement Plate Inquiry System ng LTO upang agad mapalitan ang mga plaka ng bago at mas akma.
Pagtitiyak ng opisyal, ang problema sa mga plaka ng mga sasakyan ang isa sa mga prayoridad na masolusyunan ng tanggapan.














