-- Advertisements --

Ipagpapatuloy ng Commission on Elections (COMELEC) ang pag-iimprenta ng mga opisyal na balota at iba pang paghahanda para sa Bangsamoro Parliamentary Elections sa kabila ng pagpirma ni BARMM Chief Minister Abdulraof Macacua sa Bangsamoro Autonomy Act No. 77 o ang Bangsamoro Parliamentary Redistricting Act of 2025 na nagrereallocate sa pitong puwesto na orihinal na nakatalaga sa Sulu.

Ayon kay COMELEC Chairman George Erwin Garcia, kapos na sa oras ang komisyon kung susundin pa ang bagong batas dahil aabutin ng mahigit labindalawang araw ang pagre-reconfigure ng election system, bukod pa sa panibagong pag-imprenta ng mga balota. Tiniyak ni Garcia na mananatiling pareho ang disenyo at laman ng ballot face template.

Dahil dito, magsusumite na lamang ang COMELEC ng liham kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa Kongreso, at sa Korte Suprema upang ipaalam ang kanilang timeline at ipaliwanag ang naging hakbang kaugnay ng pagpasa ng nasabing batas.

Ngayong araw sinimulan na ang pag-imprenta ng mahigit dalawang milyong opisyal na balota sa National Printing Office. Dalawang makina ang kasalukuyang ginagamit at sa day shift lamang nagpapatuloy ang printing operations.

Ayon kay Garcia, ang unang iniimprentang mga  balota ay para sa mga lalawigan ng Tawi-Tawi at Basilan.