-- Advertisements --

Umapela ang Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) na sana ito na raw ang huling pagkakataon na ipagpaliban ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE), matapos itong ilipat mula Disyembre 2025 patungong Nobyembre 2026.

Ayon kay PPCRV chairperson Evelyn Singson, mahalaga ang regular na pagsasagawa ng halalan upang mapanatili ang pananagutan ng mga opisyal at tiwala ng taumbayan.

Binigyang-diin niyang ang paulit-ulit na pagpapaliban ay nakakasama sa demokrasya.

Matatandaan na nilagdaan kamakailan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Republic Act No. 12232 na nagtakda ng bagong petsa ng BSKE. Kasabay ang pagsasagawa ng BSKE kada apat na taon.

Bukod dito tinanggap ng PPCRV ang dahilan ng pagpapaliban upang bigyang-daan ang paghahanda sa kauna-unahang Parliamentary Elections sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa Oktubre 2025, ngunit iginiit ni Singson na hindi ito dapat maging dahilan upang laging ipagpaliban ang barangay elections.