Nanawagan si Vice President Sara Duterte na ibalik sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang P60 billion pondo na nauna nang inilipat sa National Treasury, matapos ideklara ng Korte Suprema na labag sa Saligang Batas ang transaksiyon.
“The Supreme Court is the final arbiter of legal cases in our country. And if they say that it is unconstitutional, then it is. And then it should be returned,” pahayag ng Bise Presidente.
Ang naturang halaga ay bahagi ng kabuuang P89.9 billion “excess funds” ng PhilHealth na inilipat ng Department of Finance noong 2024 upang pondohan ang unprogrammed appropriations sa pambansang budget.
Giit ni Duterte, dapat manatili ang pondo ng PhilHealth sa ahensya upang matiyak ang pagpapatuloy ng mga programang pangkalusugan ng bansa.
Ibinahagi rin niya na nakausap niya ang dating Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa naging desisyon ng Korte Suprema.
“We talked about the unconstitutionality of the transfer of the PhilHealth funds, 60 billion of it. And it was decided that it should be returned to PhilHealth,” aniya.
Mula sa kabuuang P89.9 billion, P60 billion na ang naipasa sa National Treasury bago naglabas ang Korte Suprema ng temporary restraining order (TRO) na nagpahinto sa nakatakdang paglipat pa ng P29.9 billion noong Nobyembre 2024.
















