Mariing binatikos ni House Committee on Public Accounts Chairman at Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon ang pasya ng Senado na i-archive ang impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte, na nagsilbi umanong balakid upang malaman ng sambayanang Pilipino ang katotohanan.
Iginiit niya na ang P612.5 milyon sa confidential funds kabilang ang kontrobersyal na P125 milyon na nagastos sa loob lamang ng 11 araw ay nananatiling walang malinaw na paliwanag.
Dagdag ni Ridon, nagawa ng Kamara ang tungkulin nito sa ilalim ng Konstitusyon nang ipadala sa Senado ang kaso para sa paglilitis, subalit pinagtakpan ng Senado sa pamamagitan ng isang procedural vote.
Babala pa ni Ridon, nagtatakda ito ng isang mapanganib na halimbawa na ang pananagutan ay maaaring iwasan, hindi sa pamamagitan ng pagtanggi sa mga paratang, kundi sa pamamagitan ng pagsasara sa mismong proseso.