CENTRAL MINDANAO-Iginiit ni Major General Juvymax R. Uy, Commander ng 6th Infantry (KAMPILAN) Division at ng Joint Task Force Central na tumatalima ito sa inilabas na direktiba ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na tapusin na ang problema sa insurhensiya sa bansa.
Problema sa mga makakaliwang grupo ay tatapusin sa buwan ng Disyembro, ito ang binitiwang salita MGen Uy sa harap ng mga opisyal at tropa ng militar sa isinagawang programa sa Headquarters ng 37th Infantry (Conqueror) Battalion sa Barangay Baranayan, Palimbang, Sultan Kudarat sa kanyang pagbisita nitong ika-3 ng Nobyembre 2020.
Sinabi ng opisyal na ang nasabing kampanya ay pinagsisikapan din ngayon ng kanyang pamunuan, lalo na ng JTF Central upang maabot ang layuning maresolba ang problema sa Communist NPA Terrorist (CNT) at mapaganda ang komunidad.
Bukod dito, hinikayat din ni Maj. Gen. Uy ang tropa ng 37th IB at lahat ng hanay ng ‘KAMPILAN Troopers’ na panatilihin ang disiplina sa sarili dahil dinadala nila ang pangalan ng 6ID na tinaguriang ‘Best Division’ ng Philippine Army.
Kaugnay nito, pinaalalahanan din nya ang lahat na huwag maging ahente sa paglaganap ng virus ngayong panahon ng pandemya. “Sundin ang mga ipinatutupad na health protocols bilang mga frontliners sa COVID 19”, dagdag na pahayag ng Commander.
Samantala, apat namang mga dating rebelde ang iprinisinta kay Maj. Gen. Uy nina Lt. Col. Allen Van Estrera, Commander ng 37th IB at Col. Eduardo Gubat, Commander ng 603rd Brigade sa naturang programa, matapos na magdesisyon ang mga ito na magbalik loob sa gobyerno. Kasama din nilang isinuko ang kanilang mga armas na KG9 9mm SMG, dalawang Caliber 38 Revolver at 9mm Pistol.
Nananawagan ang pinuno ng JTF Central sa iba pang mga NPA na magbalik loob na sa pamahalaan dahil bukas ang gobyerno na tanggapin ang mga ito upang makabalik at makapamuhay ng tahimik.