Mariing pinabulaanan ni Olympic gold medalist Hidilyn Diaz ang isang pekeng video na kumakalat sa internet, kung saan siya umano’y nag-eendorso ng isang online gambling app.
Ayon kay Diaz, ang naturang video ay gawa-gawa lamang at ginamitan ng artificial intelligence upang gayahin ang kanyang boses.
Sa kontrobersyal na video ay may isang babaeng tila si Diaz na nagbibigay ng instruction kung paano i-download ang isang gambling application.
Ngunit sa isang post nitong Martes, iginiit ng weightlifting champion na hindi siya ang content ng video.
Hinimok din ni Diaz ang publiko na i-report ang naturang misleading post upang mapigilan ang pagkalat ng maling impormasyon.
Si Hidilyn Diaz ang kauna-unahang Pilipinong atleta na nakapag-uwi ng gintong medalya sa Olympics, matapos ang kanyang tagumpay sa women’s 55kg weightlifting event sa Tokyo 2020.
Bukod sa kanyang mga karangalan sa larangan ng sports, kilala rin siya bilang isang aktibong tagapagsalita laban sa mga isyung panlipunan at tagapagtaguyod ng kabataan at edukasyon.