CAGAYAN DE ORO CITY – Tumibay pa ang naunang anti-online sugal campaign ng Police Regional Office 10 ukol sa kanilang mga personahe na binabantayan na maaring sangkot sa mga uri ng sugal na laganap sa bahagi ng Northern Mindanao.
Kasunod ito sa inilabas ni DILG Secretary Jonvic Remulla na memo circular 2025- 082 na mahigpit nagbabawal sa lahat ng mga empleyado ng gobyerno na nasasakupan ng kanilang hurisdiksyon masangkot sa online sugal.
Sa panayam ng Bombo Radyo,inihayag ni PRO 10 spokesperson Major Joann Navarro na bago pa man naglabas ng kautusan ang DILG ukol sa online gambling,tumatakbo na ang kautusan ng Philippine National Police na tugisin ang sarili nilang mga tauhan kung nasangkot sa katulad na kabulastugan.
Sinabi nito na naglatag na sila ng counter measure upang matunton ang kahit anumang online gambling apps sa cellphone units ng kanilang tauhan para tiyakin na malimitahan kung hindi man agad mapuksa ang katulad na gawain..
Magugunitang sakop ng DILG supervision ang PNP kaya hindi na sila nagulat sa kautusan upang labanan ikina-alarma ng simbahang Katolika na online-sugal na tiyak makakasira sa mga pamilya ng lipunan.
Napag-alaman bago pa naglabas si Remulla ng kautusan, naaresto ng pulisya ang bagitong pulis na nanghoholdap sa convenience store kung saan natangay ang 12,000 pesos na kita upang pagtustos umano ng bisyo nito na online-sugal.