Puspusan na ang paghanda ng pamilya ng namayapang aktor at dating senador na si Ramon Revilla Sr., sa kanilang compound sa bahagi ng Aguinaldo Highway sa Bacoor, Cavite.

Revilla family

Pagsapit kasi ng tanghali ngayon ay simula na ang pagtanggap ng mga bulaklak at mass cards ng pamilya ng “Pepeng Agimat” star para sa pagsisimula rin ng pribado munang burol mamayang alas-2:00 ng hapon.

Isa sa mga nakausap nating pulis ang nagsabi na mayroong nakalaang parking para sa mga mayroong sasakyan kung saan drop off lang ng pasahero ang pinapayagan sa paligid ng malaking compound.

Sa ngayon ay kaliwa’t kanan pa rin ang mensahe ng pakikiramay para kay Revilla Sr., mula sa mga ordinaryong fans, politiko at mga beteranang artista.

Ayon kina Vivian Velez at Elizabeth Oropesa sa kani-kanilang Facebook post, mananatiling buhay sa kanilang alaala si Revilla Sr., at kaisa sila sa panalangin para rito.

Una nang umapela ng pansamantalang privacy si Sen. “Bong” Revilla Jr., para sa kanilang pagluluksa.

Taong 2015 nang unang maospital si Revilla Sr., at kinailangang sa intensive care unit agad dahil sa aspiration pneumonia.

Makalipas ang limang taon, muli itong isinugod sa ospital nitong May 31 hanggang sa tuluyang bawian ng buhay bago mag-alas sais kagabi sa edad na 93, dahil sa heart failure.