BAGUIO CITY – Naapektuhan na rin ng isyu ng coronavirus disease – 2019 o COVID-19 ang demand sa mga highland vegetables o mga gulay na nagmumula sa Benguet, Mountain Province at Ifugao.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Agot Balanoy, general manager ng isang kooperatiba ng mga magsasaka sa Benguet, sinabi niyang normal na tuwing first quarter ng taon ay mababa ang demand sa mga highland vegetables dahil wala masyadong mga crowd-drawing events sa ibang bahagi ng bansa.

Gayunman, mas pinalala aniya ng isyu ng COVID-19 ang presyohan sa mga gulay bagaman walang oversupply sa ngayon.

Ayon sa kanya, ang isyu ng COVID-19 ang bagong dahilan ng pagbaba ng presyo ng mga highland vegetables dahil mismong mga buyers mula lowlands ang nagsabing bumaba din ang demand ng mga sinusuplayan ng mga itong establishimiento gaya ng mga hotels at restaurants.

Paliwanag aniya ng mga buyers, dahil sa COVID-19 ay 25 percent na lamang ang order na natatanggap ng mga ito mula sa mga hotels at restaurants mula sa dating 100 percent na dami ng orders gaya ng mga establishimento sa Boracay dahil sa kakaunting kustomer ng mga ito.

Ayon sa mga vegetable buyers, kakaunti na ang mga turista sa mga tourist destinations sa bansa na isa sa mga sinusuplayan ng mga ito.

Nabawasan aniya ang order ng mga vegetable buyers kaya binawasan din ng mga ito ang kanilang purchase volume sa mga trading post sa La Trinidad, Benguet habang ang mga hindi nakatanggap na purchase order ay hindi na rin bumibili ng mga gulay.