-- Advertisements --

Tumaas ang presyo ng ilang uri ng gulay sa bansa sa gitna ng pinsalang iniwan sa sektor ng agrikultura dahil sa bagyong Karding.

Ayon kay Department of Agriculture (DA) Undersecretary Kristine Evangelista, naobserbahan ang pagtaas ng presyo sa ilang mha ibinibentang gulay sa mga pamilihan partikular sa Metro Manila.

Pumapalo aniya sa P10 hanggang P20 ang paggalaw sa retail price ng mga gulay.

Batay sa price monitoring ng DA as of Setyembre 29, ang presyo ng ilang gulay gaya ng Baguio beans ay ibinibenta na sa halagang P120 kada kilo mula sa P100 kada kilo noong nakalipas na raw, ang presyo naman ng carrots ay mabibili na sa presyo hanggang P150 kada kilo mula sa dating P140 kada kilo habang ang presyo naman ng talong ngayon ay tumaas din ng P100 kada kilo mula sa dating P85 kada kilo.

Sa datos pa ng DA, ikalawa sa matinding napinsala na pananim dahil sa bagyo ang mga prutas, gulay, legumes at spices.

Ito ay nagkakahalaga ng kabuuang P754.8 million ang nawala at nasa 18,536 MT ang dami ng crops na nasira mula sa halos 3000 ektarya ng mga sakahan.

Pero ayon sa DA official titignan nila ang posibilidad ng profiteering o kung may ilang indibidwal na nananamantala sa kabila ng laki ng pinsala sa mga farm lands dahil sa bagyo para pataasin ang mga presyo.

Kakailanganin aniya ang tulong ng mga lokal na pamahalaan para makontrol ang presyo at palalakasin pa ang Kadiwa program para may alternatibong mabibili ang mga konsumer.