Inatasan ng Commission on Audit (COA) ang pagsasagawa ng fraud audit sa mga proyekto ng flood control ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Bulacan na nagkakahalaga ng P44 billion, matapos ang mga isyung ibinunyag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Nabatid na sa kabuuang P548 billion pondo para sa flood control sa buong bansa, pinakamalaki ang napunta sa Central Luzon (P98-B), kung saan ang Bulacan ang pinakamalaki sa rehiyon.
Ayon sa COA memo noong Agosto 12, agarang pinao-audit ang imbestigasyon dahil sa mga nabanggit na isyu ni Pangulong Marcos. Inatasan din ang mga distrito ng DPWH sa rehiyon na magsumite agad ng mga dokumento para sa gagawing audit.
Una rito, ipinahayag ng Pangulo noong Agosto 11 na ang Bulacan ang may pinakamaraming flood control projects na mayroong 668 projects, ngunit nananatili pa rin itong kabilang sa mga lugar na pinaka-bahaing lalawigan batay sa National Adaptation Plan ng 2023–2025.
Pinagpapaliwanag naman ni PBBM ang Timothy Construction Corporation matapos personal na inspeksyonin nito noong Agosto 15, ang isang proyekto sa Calumpit, Bulacan, kung saan nadiskubreng hindi pa tapos ang river protection structure sa kabila ng ulat na ito ay natapos na noong Pebrero 2023.