-- Advertisements --

Inihahanda na ng Bureau of Immigration (BI) ang kasong deportasyon laban sa sa isang Amerikanong pastor na inaakusahan ng physically abusing sa 160 mga bata sa Pampanga.

Ayon kay Bureau of Immigration (BI) Commissioner Joel Anthony Viado, nagsasagawa na ng paglilitis ang BI laban sa naturang banyaga na kinilalang si Jeremy K. Ferguson, 48 anyos.

Iniulat ng Intelligence Division ng BI na nakatanggap sila ng opisyal na komunikasyon mula sa Philippine National Police (PNP) at Department of Social Welfare and Development (DSWD) na humihiling ng tulong at nagpapaalam hinggil sa kaso ni Ferguson.

Noong Agosto 13, inaresto umano si Ferguson ng PNP Field Office III at ng Pampanga Police Provincial Office Women and Children’s Protection Desk.

Pinamunuan umano ni Ferguson ang isang relihiyosong organisasyon sa Mexico, Pampanga na may mga menor de edad na nasa kustodiya nito.

Batay sa ulat ng pulisya at DSWD, ikinuwento ng mga biktima na sila ay sinaktan at nagtamo ng mga sugat mula kay Ferguson. May mga salaysay rin na sila ay pinagkaitan ng pagkain, iginapos, at ikinulong sa mga silid.