Bahagya nang tumaas ang presyo ng asukal sa Metro Manila dahil na rin sa epekto ng lagay ng panahon sa produksiyon nito.
Kasama na rin dito ang mataas na delivery charges na epekto ng mataas na presyo ng mga produktong petrolyo.
Ilan sa mga public market sa National Capital Region (NCR) ay nagtaas na ng P5 sa kada kilo ng asukal.
Mula sa dating P75 ay naging 80 na para sa white sugar, ang washed sugar naman ay naging P70 na mula sa dating P65 at ang brown sugar na mula sa dating P60 ay naging P65 na.
Base naman sa pinakahuling data mula sa Department of Agriculture (DA), ang average retail price ng refined sugar ay nananatili sa P70, ang washed sugar ay P60 at ang brown sugar ay P60.
Mino-monitor na raw ng Sugar Regulatory Administration (SRA) ang sitwasyon at sinabing ang lagay ng panahon ang naging dahilan sa pagbaba ng production ng asukal.
Kabilang na rin daw dito ang epekto ng Bagyong Odette noong nakaraang taon sa Negros region na siyang nagpababa ng production ng asukal noong Marso hanggang Mayo.
Base sa pagtaya ng DA ang total damage ng bagyong Odette sa agriculture sector ay mahigit P10 billion.