Lalahok ang nasa 841 na paaralan sa buong nasa sa pilot run ng nirebisang SHS curriculum na bahagi ng basic education program para sa nalalapit na School Year 2025-2026.
Ito ang kinumpirma ng pamunuan ng Department of Education ngayong araw.
Sa ginanap na House Committee on Basic Education and Culture briefing, sinabi ni Education Undersecretary Wilfredo Cabral , aabot na sa inisyal na 727 schools ang handang handa na sa naturang programa para sa Grade 11 at 12.
Matapos naman ang naging feedback mula sa Senate Committee on Basic Education, nagdesisyon ang DepEd na dagdagan ito ng moderately ready na mga pribado at rural schools dahilan para umabot na ang partial list sa 841 na paaralan.
Ang bilang na ito ay kumakatawan sa 6.60% ng kabuuang 12,739 SHS na paaralan sa buong bansa.
Mula sa naturang bilang, aabot sa 580 ang pampublikong paaralan habang nasa 261 ang pribadong paaralan .
Ayon kay Cabral , kapag nasimulan na ang pilot run, mahigpit na imomonitor ng ahensya ang buong implementasyon nito.
Nakatakda namang isagawa ang pagsasanay ng mga gurong lalahok sa pilot run sa darating na Marso 25 hanggang Hunyo 7 habang magbubukas naman ang School Year 2025-2026 sa Hunyo 16 at magtatapos sa Marso 31 sa susunod na taon.