Iniulat ng Department of Health (DOH) na nasa 1.13% lamang ang kasalukuyang case fatality rate ng COVID-19 sa Pilipinas.
Nagpapakita ito na isa kada isandaang indibidwal ang namamatay dahil sa sakit.
Maliban dito, nakitaan din ng pagbaba ang mga kaso ng dinadapuan ng virus mula Enero hanggang Mayo ng kasalukuyang taon kung ikukumpara noong 2024.
Ayon kay Health Sec. Ted Herbosa, kung ikukumpara noong Enero hanggang Mayo 3, 2024 na nakapagtala ng 14,074 cases, mas mababa ng 87% ang naitala sa nasabing period ngayong 2025 na nasa 1,774 cases.
Naobserbahan din ang pagbaba ng bilang ng mga kaso sa nakalipas na tatlo hanggang apat na linggo.
Sa kabila nito, nagpaalala si Secretary Herbosa sa publiko upang makaiwas sa COVID-19 o sa kahit anong sakit lalo na dahil sa pabagu-bagong panahon.
Samantala, pinawi naman ng DOH ang pangamba sa pagtaas ng mga kaso ng sakit sa ibang bansa tulad ng Singapore at Thailand maging sa Hong Kong.
Matatandaan, nauna ng inihayag ng DOH na aktibo ito ngayong naka-monitor sa trends ng COVID-19 sa gitna ng napaulat na pagtaas ng mga kaso sa naturang sakit sa Southeast Asia.