Sa kauna-unahang pagkakataon ay nakapag-usap na sina United States President Joe Biden at Russian President Vladimir Putin upang talakayin ang ilang isyu sa pagitan ng dalawang bansa.
Ayon kay Jen Psaki, press secretary ni Biden, ginawa ni Biden ang pagtawag kay Putin dahil umaasa aniya ito na maaari pang palawigin ang New START nuclear treaty.
Kasama rin daw sa napag-usapan ng dalawang pangulo ang ginagawang pananalakay ng Russia sa Ukraine, gayundin ang malawakang cyber-attack na naranasan kamakailan ng Amerika at ang paglason di-umano kay Alexei Navalny.
Nais umano ni Biden na bigyan ng paalala si Putin na handa ang Amerika na kumilos upang depensahan ang national interest ng bansa laban sa mga ‘di makatarungang gawain ng Russia.
Dagdag pa ni Psaki na patunay lamang ang mahabang listahan ng mga paksa na tinalakay ni Biden kay Putin ang malabong samahan sa pagitan ng Washington at Moscow na tila namana raw sa nakaraang administrasyon.
Magugunita sa isinagawang general election debates noong nakaraang taon ay tahasang tinawag ni Biden si dating U.S. President Donald Trump na “tuta ng Russia.”