Pormal ng nagsampa ng kaso si Cong. Leandro Leviste laban kay Batangas 1st DPWH District Engineer Abelardo Calalo na nagtangka umanong suhulan si Leviste ng nasa mahigit 3M upang hindi umano imbestigahan ang mga flood control projects sa kanyang distrito.
Ang mga isinampang kaso ni Leviste ay ang direct bribery, corruption of public officials, paglabag sa anti-graft and corrupt practices at role of conduct and ethical standards for public official.
Kasabay nito, ibinunyag niya rin na nagkakaroon ng mahigit 300M kada taon na Standard Operation Procedure (SOP) o ‘kickbacks’ mula sa mga proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na inilalaan umano sa mga congressman. Aniya ito ay base sa kanyang pakikipag-usap kay Calalo ng sinubukan siyang suhulan.
Ayon sa pagbabahagi ni Leviste, sinabi ng District Engineer na may mga contractor daw kasi na nagagandahan sa kanyang pamamalakad at nais siyang ‘suportahan’. Dagdag pa niya, handa na rin siyang bigyan ng pera agad-agad.
Iminungkahi niya rin na gawing state witness ang inarestong district engineer sa Batangas na nahuli dahil sa tangkang panunuhol. Aniya, posibleng makatulong ang district engineer dahil sa mga nalalaman nito tungkol sa sistema ng korapsyon sa loob ng ahensya.
Pansamantala naman munang mananatili si Calalo sa Taal Police Station.