Tiniyak ng pamunuan ng Department of Social Welfare and Development na patuloy nilang pinapa-igting ang kanilang mga ginagawang hakbang sa paghahanda sa mga sakuna.
Kabilang na dito ang pagpapalakas sa prepositioning ng mga family food packs sa bahagi ng Mindanao.
Batay sa datos ng ahensya, pumalo na sa 13,300 kahon ng FFPs ang naihatid ng Visayas Disaster Resource Center mula sa bahagi ng Mandaue City, Cebu patungo sa Northern Mindanao.
Paliwanag ng ahensya na ito ay bahagi ng pinalawak na hakbang upang masigurong mabilis na maihahatid ang tulong sa mga residente at pamilyang apektado ng mga kalamidad.
Sa datos na inilabas ng ahensya, umaabot na sa 52,100 ang kabuuang bilang ng FFPs ang naihatid sa CARAGA region.
Kaugnay nito ay muling tiniyak ng DSWD na sapat ang 3 milyong food packs kung saan ay nakapreposisyon na ito sa buong bansa.
Sa ganitong paraan ay inaasahang matitiyak ang kahandaan ng ahensya sa paghahatid ng ayuda sa iba’t-ibang bahagi ng Pilipinas.