Natuloy na ang pagsasagawa ng unang preliminary investigation sa Department of Justice ukol sa limang kaso ng maanomalyang mga flood control projects sa Bulacan.
Bagama’t naantala o nailipat ang skedyul buhat nang manalasa ang bagyong Uwan kamakailan, nasimulan na rin ang isinagawang pagdinig.
Maaalalang una itong ipinasa ng DOJ sa Office of the Ombudsman ngunit kalauna’y ibinalik lamang din sa kanila.
Paliwanag kasi ng Ombudsman na ito’y upang hindi na maging paulit-ulit pa ang pagproseso sa naturang mga kaso may kinalaman sa isyu ng korapsyon.
Kung kaya’t itinalaga o ‘dineputized’ ng tanod-bayan ang kagawaran para pangunahan ang pagsasagawa ng preliminary investigation.
Sa naganap na unang pagdinig, ayon kay Atty. Polo Martinez, tagapagsalita ng DOJ, walang naganap na pagsusumite ng counter-affidavit.
Aniya’y kinuha lamang raw ng mga abogado ng respondents ang kopya ng mga reklamong kinakaharap ng kanilang mga kliyente.
Kabilang sa ‘respondents’ ay mga dating opisyal at engineers ng Department of Public Works and Highways na sina Henry Alcantara, Brice Hernandez, at Jaypee Mendoza.
















