-- Advertisements --

Sa gitna ng patuloy na relief operations ng Philippine Red Cross sa Cebu kasunod ng malakas na lindol, nananatiling aktibo pa rin ang kanilang kampanya para sa blood donation.

Sa eksklusibong panayam ng Star Fm Cebu kay Gwendolyn Pang, Secretary General ng Philippine Red Cross, tinalakay niya ang tamang dalas ng ligtas na pagdo-donate ng dugo at ang mga benepisyong dulot nito sa kalusugan.

Aniya, may dalawang pangunahing paraan ng pagbibigay ng dugo: ang mas karaniwang “whole blood donation” at ang mas teknikal na tinatawag na “apheresis.”

Sa unang pamamaraan, buong bag ng dugo ang kinukuha—kasama na ang red blood cells, platelets, at plasma.

Ito ang karaniwang nakikita sa mga blood donation drives, at ligtas itong gawin tuwing tatlong buwan.

Samantalang sa apheresis, mas advanced na proseso ang ginagamit.

Dito, partikular na bahagi lamang ng dugo gaya ng platelets ang kinukuha gamit ang espesyal na makina, kaya naman mas madalas itong puwedeng gawin—kada dalawang linggo.

Sinabi pa ni Secretary General Pang na malaki ang pangangailangan dito, lalo na para sa mga pasyenteng may bleeding disorders, dengue, o cancer.

Ngunit higit pa sa tulong sa mga pasyente, may benepisyong pangkalusugan din para sa mismong donor.

May positibong epekto pa sa cardiovascular health ang regular na pagdo-donate ng dugo.

Sa mga kalalakihang walang natural na paraan ng iron loss, tulad ng menstruation, ang blood donation ay nakatutulong sa pagbawas ng sobrang iron sa katawan—isang salik na konektado sa mas mataas na risk ng heart disease.

Dagdag pa rito, natural na na-iistimulate ng katawan ang produksyon ng bagong red blood cells pagkatapos ng donasyon, na nakabubuti rin sa sirkulasyon ng dugo.

Sa bawat donasyon naman, may kasamang libreng basic health screening, na nagbibigay rin ng mahalagang impormasyon tungkol sa kalagayan ng donor.

Hindi rin matatawaran ang epekto nito sa emosyonal na aspeto—dahil ang simpleng hakbang na ito ay maaaring magligtas ng buhay at nagbibigay ng pakiramdam ng layunin at halaga.

Sa panahon ng patuloy na pangangailangan ng dugo sa mga ospital at emergency situations, muling nananawagan ang PRC sa publiko na tumulong sa pamamagitan ng pagdonate ng dugo.

Binigyang-diin pa niya na ang pagbibigay ng dugo ay isang simpleng paraan para makapagligtas ng buhay—at kasabay nito, maalagaan rin ang sariling kalusugan.

Gaganapin nga ang Dugong Bombo 2025: A little pain, a life to gain simultaneously sa November 15, 2025, sa 25 key areas nationwide na may Bombo Radyo at Star Fm Stations.