-- Advertisements --

Tuloy ang isasagawang prayer vigil at freedom march sa kabisera ng Amsterdam, Netherlands para ipanawagan ang dismissal o pagbasura sa kaso laban sa dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC).

Kinumpirma ito ni dating presidential spokesman Atty. Harry Roque sa kaniyang live video broadcast.

Aniya, sisimulan ang mga aktibidad sa Setyembre 19 bandang alas-5:00 ng hapon sa Amsterdam kung saan isasagawa ang prayer vigil.

Sa Setyembre a-20 naman, idaraos ang isang freedom march para ipanawagan ang tuluyan nang pagbasura sa kaso ng dating Pangulo.

Habang sa Setyembre 21, isasagawa ang isang panel discussion at fellowship.

Ang mga nakahanay na pagtitipon ay inorganisa ng DDS Maisug sa gitna ng nakabinbing pagdinig sa kumpirmasyon ng mga reklamo laban sa dating pangulo matapos itong ipagpaliban muna ng ICC kasunod ng hiling ng depensa dahil isyu sa kalusugan ng 80 anyos na dating Pangulo.