-- Advertisements --

Nanindigan si Atty. Harry Roque na mayroon nang inilabas ang International Criminal Court (ICC) na warrant of arrest laban kay Sen. Ronald Dela Rosa.

Kahapon (Dec. 8) nang unang ibinunyag ni Roque ang tungkol sa naturang isyu ngunit hindi rin naglabas ng kumpirmasyon.

Una na ring sinabi ng legal counsel ni Dela Rosa na si Atty. Israelito Torreon na ‘pawang tsismiss’ lamang ito, sa kabila ng kaniyang pakikipag-palitan ng mensahe kay Roque.

Sa kabila nito, muling iginiit ni Roque sa pamamagitan ng isang social media post na matagal na ang ICC warrant para kay Sen. Bato.

Kahapon lamang kasi aniya opisyal na natanggap ng Department of Justice (DOJ) at Department of Interior and Local Government (DILG) ang kopya ng naturang order.

Dahil dito, posibleng ngayon pa lamang aniya gagalaw ang dalawang nabanggit na ahensiya.

Ngayong araw, pinabulaanan na rin ng DOJ na may natanggap itong kopya ng warrant habang wala pang opisyal na pahayag ang DILG (as of broadcast time).