Hindi agad ibabasura ng International Criminal Court (ICC) ang crimes against humanity charges laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sakaling mapatunayang hindi niya talaga kayang humarap sa mga paglilitis, ayon kay ICC Registered Assistant Counsel Kristina Conti.
Ginawa ni Atty. Conti, na nagsisilbi ring counsel para sa mga biktima ng war on drugs ng dating pangulo, matapos ilabas ang isang dokumento kaugnay sa pagtatalaga ng ICC Pre-Trial Chamber ng tatlong miyembro ng panel ng independent experts para suriin ang medikal na kondisyon ni Duterte.
Ipinaliwanag din ni Atty. Conti na sakaling lumabas sa reports na unfit ang dating Pangulo, ia-adjourn lang umano ng ICC judges ang kaso at hindi ibabasura.
Mananatili rin aniya ang dating Pangulo sa kustodiya ng ICC at pag-aaralan ang kaso kada 120 araw o tuwing apat na buwan.
Pero, kung makumbinsi ng medical reports ang mga hukom na ideklarang fit ang dating Pangulo para humarap sa trial, muling itatakda ang schedule para sa pagdinig sa confirmation charges sa lalong madaling panahon.
Umaasa aniya sila na maisasapinal ang mga kaso at masisimulan ang paglilitis sa susunod na taon.
Sa parte aniya ng mga biktima, maigting silang nakasubaybay sa proseso para matiyak na maobserbahan ang mga karapatan ng lahat ng partido at maiwasan ang anumang taktika na magpapaantala rito.
Samantala, maaari namang maghain ang panig ng depensa, prosekusyon at Office of Public Counsel for Victims ng kanilang mga obserbasyon sa medical report hanggang sa Nobiyembre 5.