Kinumpirma ng DFA ang pagkansela ng pasaporte ni dating Presidential Spokesman Atty. Harry Roque.
Inihayag ng Department of Foreign Affairs na ipinawalang-bisa ang pasaporte ni Roque kasama ang apat pang indibidwal na sina Katherine Cassandra Li Ong, Ronelyn Baterna, Mercides Macabasa, at Dennis Lacson Cunanan matapos makatanggap ng kautusan mula sa Pasig Regional Trial Court Branch 157.
Ayon sa DFA, ang hakbang ay alinsunod sa New Passport Act (RA 11983) at sa mga umiiral na proseso.
Si Roque ay may valid na Philippine passport, na inilabas noong Hulyo 2024 at may bisa hanggang Hulyo 2034.
Nitong Martes, itinanggi ni Roque ang mga ulat na siya’y inaresto na sa Netherlands, kung saan siya ay humihiling ng asylum.
Matatandaan, nauna ng naglabas ng arrest order para Kay Roque noong Mayo dahil sa hindi pagsunod sa summons ng House Quad Committee.















