Hinamon ni Senate Special Committee on Maritime and Admiralty Zones Chairman Senador Francis Tolentino ang InfinitUs Marketing Solutions na harapin ang imbestigasyon ng Senado sa halip na maglabas ng mga pahayag sa pamamagitan ng kanilang abogado.
Ang InfinitUs ay ang public relations firm na kinontrata umano ng Chinese embassy para magpakalat ng mga naratibong sumusuporta sa pang-aagaw ng China sa West Philippine Sea.
Ayon kay Tolentino, sa halip na maglabas ng mga pahayag ang PR firm at itanggi ang alegasyon, ay harapin na lamang ang pagdinig na ikakasa sa Lunes, Mayo 5, at doon sabihin ang lahat.
Magugunitang, pinadalhan ng imbitasyon ang PR firm upang ilahad ang katotohanan sa pagdinig
hinggil sa umano’y kwestyonableng kontrata nito sa Chinese embassy noong 2023 para maglunsad ng ‘keyboard warriors’ pabor sa China sa usapin ng West Philippine Sea dispute.
Bibigyan ng pagkakataon na makapagpaliwanag ang naturang kompanya kaugnay sa naisiwalat na isyu.
Samantala, ayon pa sa senador, maaari ding managot sa batas ang troll farm operators at keyboard warriors dahil sa kusa nilang pagsunod sa mga utos ng dayuhang grupo para atakehin ang gobyerno ng Pilipinas.
Binigyang-diin ni Tolentino na walang karapatan ang troll farms at keyboard warriors na idahilan ang “freedom of expression” dahil ito’y iginagawad lang sa mga totoong tao at hindi sa mga pekeng accounts na nililikha nila sa social media.
Pinag-aaralan din ni Tolentino na kumuha ng mga probisyon mula sa General Data Protection Regulation (GDPR) ng European Union para palakasin ang ating batas sa privacy security.
Nakapaloob dito ang mataas na parusa sa mga paglabag at mahigpit na pagtalima ng social media platforms.