Nagdaos ng unang misa si Pope Leo XIV bilang bagong lider ng Simbahang Katolika matapos gumawa ng kasaysayan bilang kauna-unahang American-born pontiff.
Pinangunahan ng Santo Papa ang pribadong misa kasama ang mga kardinal sa may Sistine Chapel dakong alas-11:00 ng umaga, oras sa Roma o alas-5:00 ng hapon, oras sa Pilipinas ngayong araw ng Biyernes, Mayo 9 kung saan idiniliver ng Catholic Church leader ang kaniyang unang homilya bilang Santo Papa na wikang Ingles at Italian.
Sinimulan ng Santo Papa ang kaniyang homilya sa wikang Ingles kung saan pinasalamatan niya ang mga Cardinal electors para sa kanilang tiwala sa kaniya.
Nagbigay din ng taus-pusong paalala sa mga kardinal si Pope Leo XIV na sila’y tinawag upang magpatotoo sa kanilang masayang pananampalataya kay Kristo na Tagapagligtas.
“We are called to bear witness to our joyful faith in Christ the Saviour…”
Nanawagan din ang bagong Santo Papa na palaging palalimin pa ang personal na relasyon kay Kristo at iginiit na kung walang pananampalataya, walang kabuluhan ang buhay.
Sumentro naman ang homilya ng bagong Catholic Church leader na kaniyang binasa sa wikang Italian sa unang Santo Papa ng Simbahang Katolika na si St. Peter at inalala ang kaniyang mga salita na mababasa sa ebanghelyo ayon kay San Mateo.
“You are the Christ, the Son of the living God,” in order to illustrate that patrimony, made possible by persistent faith in the Lord, “that the Church, through the apostolic succession, has preserved, deepened and handed on for two thousand years.”
Inalala din ni Pope Leo XIV na tinawag siya ng Diyos sa pamamagitan ng kaniyang pagkakahalal bilang ika-267 na Santo Papa.
Tinapos ng Santo Papa ang kaniyang homilya sa pamamagitan ng dasal.
“May God grant me this grace, today and always, through the loving intercession of Mary, Mother of the Church.”