-- Advertisements --

Nagbabala Pope Francis kay Patriarch Kirill, ang tumatayong leader ng Russian Orthodox Church, na huwag maging “altar boy” ni Russian President Vladimir Putin.

Ipinahayag ni Pope Francis sa isang statement na nakipag-usap siya kay Patriarch Kirill sa loob ng 40 minuto via Zoom noong March 16.

Kwento ng santo papa, sa unang 20 minuto raw ay binasa isa-isa ng Russian Patriarch ang lahat ng kanilang katwiran hinggil sa sinimulang digmaan ni Putin sa Ukraine.

Pinangkinggan daw niya ito ngunit sinabing wala siyang anumang naintindihang makatwiran sa mga bagay na binanggit ni Kirill.

Sa kanilang naging pag-uusap ay muli raw pinaalalahanan ni Pope Francis si Patriarch Kirill na hindi sila mga kleriko ng estado dahilan kung bakit tanging mga salita lamang ni Hesus ang kanilang maaaring magamit at hindi ang wika ng pulitika.

Sa kabilang banda naman ay sinabi ng Russian Orthodox Church sa isang statement na ikinalulungkot nila na napili ni Pope Francis na gumamit ng maling tono sa paghahatid ng mga nilalaman ng kanilang naging pag-uusap ni Patriarch Kirill.

Ayon sa Orthodox Church, ang naturang mga deklarasyon ng santo papa ay hindi nakakatulong sa pagtatatag ng isang constructive dialouge sa pagitan ng Simbahang Romano Katoliko at ng Russian Orthodox Church na mahalaga raw lalo na sa panahon ngayon.

Samantala, napagkasunduan naman ng dalawang religious leader na ipagpaliban muna ang kanilang planong magpulong sa Hunyo 14 sa Jerusalem.