-- Advertisements --

Sinabi ng Commission on Elections (COMELEC) na pinagkokomento sila ng Malacañang hinggil sa panukalang batas na nagpapalawig sa termino ng mga halal na opisyal ng Barangay at Sangguniang Kabataan.

Ayon kay COMELEC Chairman George Erwin Garcia, nagpadala na rin sila ng tugon sa Office of the President. Aniya, kinilala ng poll body ang hakbang na ito at naniniwala na wala nang maaaring idagdag ang poll body maliban sa datos na naibigay at ang kanilang posisyon hinggil sa panukalang batas.

Nauna nang inaprubahan ng Senado at Kamara ang panukalang batas na layong palawigin ang termino ng mga opisyal ng barangay at SK mula sa kasalukuyang tatlong taon, ito ay magiging apat na taon.

Kung maisabatas ito, ililipat ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) mula unang araw ng Disyembre ng kasalukuyang taon patungong Nobyembre 2026.

Gayunpaman, ibinahagi rin ni Garcia na tuloy-tuloy pa rin ang paghahanda ng komisyon para sa BSKE kung sakaling matuloy ito sa Disyembre . Ayon sa kanya, isinasagawa na ang procurement process para sa mga materyales sa halalan tulad ng mga panulat, papel, at 68,000 na ballot boxes.

Isa rin sa nabanggit nila sa kanilang liham ay ang pagkakaroon ng maiksing panahon ng COMELEC dahil sa paghahanda rin para sa Bangsamoro Parliamentary Elections na tiyak na matutuloy ngayong Oktubre.