Nanindigan ang Commission on Elections (COMELEC) na ituturing na pansamantalang bakante ang mga puwestong ito sa pagsasagawa ng halalan sa Bangsamoro dahil sa patuloy na kawalan ng linaw kaugnay ng mga puwestong parlamentaryo na dating nakalaan para sa lalawigan ng Sulu. Mananatiling bakante ang pitong puwesto at hindi magsasagawa ng halalan para sa mga kinatawan ng distrito mula sa Sulu.
Dagdag pa rito, ang desisyon kung paano pupunan ang mga puwestong ito ay ipauubaya sa iba pang sangay ng pamahalaan.
Isa sa mga dahilan ng pagpapaliban ng BPE mula Mayo 12 patungong Oktubre 13 ay ang paglalabas ng desisyon ng Korte Suprema na hindi kabilang ang lalawigan ng Sulu sa BARMM .
Kailangan munang amyendahan ng Bangsamoro Parliament ang Bangsamoro Parliamentary Districts Act of 2024 at magpasya kung ano ang gagawin sa pitong puwesto ng Sulu.
Muling iginiit ni COMELEC Chairman George Erwin Garcia na itutuloy na ang halalan sa Oktubre 13 kung saan 73 puwesto lamang ang pagbobotohan.