Inanunsyo ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na magkakaloob ng libreng sakay sa Light Rail Transit Line 2 (LRT-2) para sa lahat ng persons with disabilities (PWD) mula Hulyo 17 hanggang 23 bilang bahagi ng pagdiriwang ng National Disability Rights Week (NDRW).
Ayon kay DSWD spokesperson Assistant Secretary Irene Dumlao, naisakatuparan ito sa tulong ng Department of Transportation (DOTr), Light Rail Transit Authority (LRTA), at National Council on Disability Affairs (NCDA), na nasa ilalim ng DSWD.
Batay sa Proclamation No. 597 na nilagdaan noong Hunyo 2024, inaatasan ang DSWD at NCDA na pamunuan ang taunang paggunita ng NDRW tuwing Hulyo 17 hanggang 23.
Ang libreng sakay ay magagamit mula alas-7 hanggang alas-9 ng umaga at mula alas-5 hanggang alas-7 ng gabi. Kailangang ipakita lamang ng PWD ang kanilang PWD ID para makapasok nang libre sa tren.
Dagdag pa ng DOTr, pinag-aaralan din nila ang pagbibigay ng 50% fare discount para sa mga kabilang sa vulnerable sectors gaya ng PWD.