Nagbabala ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa posibleng pagbagsak ng rocket debris mula sa Long March 7 na nakatakda muling paliparin ng China mula sa Wenchang Space Launch Site sa Hainan Province.
Batay sa abisong inilabas ng NDRRMC, maaaring mangyari ang launching sa pagitan ng July 15 hanggang July 17, 2025.
Ayon sa konseho, posibleng bumagsak ang ilang bahagi ng rocket sa iba’t-ibang teritoryo ng bansa na maaaring magdulot ng panganib sa mga mangingisda at mga manlalayag.
Ilan sa mga natukoy na drop zone ay ang Bajo de Masinloc, 88 milya mula sa Cabra Island, Occidental Mindoro; 51 miles mula sa Recto Bank, at 118 miles mula sa Busuanga, Palawan.
Pinayuhan ng NDRRMC ang Philippine Coast Guard, Bureau of Fisheries and Aquatic Resources, at Department of Environment and Natural Resources – National Mapping and Resource Information Authority na maglabas kaagad ng akmang abiso para sa publiko.
Ipinakukunsidera ng konseho sa mga nabanggit na ahenisya ang agarang pagpapatupad ng temporary restrictions sa pag-isyu ng Notice to Mariners at Coastal Navigational Warnings sa mga natukoy na drop zone.
Pinapayuhan din ng konseho ang mga lokal na pamahalaan at local office nito na bantayan ang sitwasyon sa mga natukoy na drop zone.