-- Advertisements --

Kampante si Manila 3rd District Rep. Joel Chua na hindi padadala sa anumang political pressure ang mga mambabatas, kasunod ng kinakailangan nilang pagdesisyon sa dalawang impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.

Ito ay habang papalapit ang 2028 Presidential Elections kung saan isa ang pangalawang pangulo sa mga nakatakdang kakandidato sa pagkapangulo.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Chua, sinabi niyang tiyak na ikinokonsidera na ng maraming mambabatas ang posibleng magiging resulta ng 2028 elections, kasama ang patuloy na pagiging frontrunner ni VP Sara.

Gayunpaman, kailangan aniyang pumili ang mga mambabatas kung magpapadala sila sa takot at pagkabahala sa 2028 o kung isulong at suportahan ang pagpapatalsik sa pangalawang pangulo, ngayon at lalo pang lumilinaw ang partisipasyon ni VP Sara sa mga alegasyong ibinabato laban sa kaniya.

Naniniwala ang mambabatas na sa huli ay pagbabasehan pa rin ng mga mambabatas ang mga ebidensiyang ilalatag o ipapakita sa nakatakdang hearing at kung tutuloy man ito sa Senado, ganito rin ang magiging basehan ng mga Senador na magsisilbi bilang judges.