-- Advertisements --

Naniniwala si dating Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Kim Henares na isang simpleng problema lamang ang kontrobersiyal na green box na naglalaman ng tax records Nina VP Sara Duterte at asawang si Atty. Manases Carpio.

Maalalang ipinabalik ni Senator-judge Chiz Escudero ang naturang box sa BIR Office sa Quezon City sa day 1 ng impeachment trial laban kay VP Sara Duterte.

Ayon kay Henares, malinaw ang dapat gawin ng prosekusyon kung nais nilang magamit ang tax records sa impeachment trial, at ito ay ang gawing witness ang BIR Commissioner.

Paliwanag niya, ang paghahawak at paglalabas ng tax records ng lahat ng mga Pilipino kasama na ang mga opisyal ng gobyerno ay nasa kapangyarihan ng BIR Commissioner, salig sa itinatakda ng batas.

Dahil dito, kung kailangan ng impeachment court ang tax records, kailangang may motion o subpoena, para ipatawag ang commissioner ng naturang kawanihan at susundin ang legal requirements bago ilabas ang sensitibong dokumento.

Si Henares ay dating tumestigo noong panahong isinasailalim sa impeachment trial si dating Chief Justice Renato Corona. Siya ay nagsilbi noon bilang witness ng House prosecution panel.

Giit ni Henares, hindi dapat ginagawang komplikado ang isyu ukol sa kontrobersiyal na green box at sa paglalabas ng tax records ni VP Sara.

Kung nais aniyang gamitin ng prosekusyon ang BIR records, sundin ang proseso gaya rin ng nangyari noon sa Corona impeachment trial kung saan humarap siya bilang testigo ng prosekusyon.