-- Advertisements --

Kinuwestiyon ni Senator-Judge Alan Peter Cayetano ang hiling ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Atty. Melvin Matibag na payagan siyang maagang tumestigo sa impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.

Ang kahilingan ni Matibag ay kasunod ng imbitasyon sa kaniya ng Federal Bureau of Investigation (FBI) para dumalo sa isang law enforcement summit na gaganapin sa Thailand mula Hulyo 21 hanggang 22.

Sa kaniyang manifestation noong ikaapat na araw ng impeachment trial nitong Lunes, Hulyo 13, sinabi ni Cayetano na nasa “bad taste” umano ang tila pagdidikta ni Matibag na hindi siya makakadalo sa pagdinig ng Senado sa susunod na linggo.

Ayon kay Cayetano, maraming opisyal ang nag-adjust ng kanilang mga iskedyul, kabilang ang mga biyahe sa loob at labas ng bansa, upang mabigyang-prayoridad ang impeachment trial na isinasagawa tuwing Lunes hanggang Miyerkules.

“I find it in bad taste that a bureau head will dictate to us that he’s not available next week,” pahayag ni Cayetano.

Dagdag pa ng senador, bilang isang dating kalihim ng Department of Foreign Affairs, mayroon naman daw na undersecretary at deputy director si Matibag na puwedeng dumalo sa delegasyon sa Thailand.

Inaasahang magbibigay ng testimonya si Matibag kaugnay ng umano’y banta ni VP Sara laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.