CAGAYAN DE ORO CITY – Sinibak sa kanyang katungkulan bilang chief of operations si Police Maj Albart Tare sa Misamis Oriental Provincial Police Office na nakabase sa bayan ng Villanueva ng lalawigan.
Ito ay matapos na-link ang pangalan ni Tare sa 16 anyos na babayeng buntis na binaril ng motorcycle in tandem suspects nang magkaharap sila sa case arraignment sa korte sa Cagayan de Oro City.
Sinabi sa Bombo Radyo ni MisOr PNP Director Col Robert Roy Bahian na iniimbestigahan at dini-dis-armahan na rin nila ang kanilang tauhan habang hinihintay ang ilalabas na resulta na imbestigasyon ng Cagayan de Oro City Police Office (COCPO) sa pangyayari.
Inihayag ni Bahian na inalis muna nila sa puwesto si Tare at naka-floating status upang mapadali ang pagpapatawag kung kinakailangan ng kanilang imbestigasyon.
Bagamat,nakausap na nito ang kanyang tauhan ukol sa nangyari sa menor de edad kung saan mariing itinanggi nito na mayroon itong kinalaman sa pangyayari.
Si Tare na unang nagkaso nang pagnanakaw sa biktima ay tinapatan rin ng kasong act of lasciviousness kaya sila nagkaharap sa korte nang binasahan kaugnay sa inihain na asunto.
Kung maalala,pauwi na sana ang biktima kasama ang kanyang ina nang malapitan na binaril ng motorcycle in tandem suspects habang nakalabas na sa hall of justice kung saan nakunan ng CCTV ang pangyayari sa Masterson Avenue,Upper Carmen ng syudad noong Martes ng umaga.