-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Ibinunyag ng isang concerned citizen sa Bombo Radyo ang kalagayan ng isang flood control project sa Barangay Cugman na ngayon ay may mga butas at posibleng magdulot ng panganib sa mga residente.

Ayon kay Engineer Elmer Cotiamco, dating construction engineer ng Northern Mindanao, delikado ang sitwasyon lalo na’t nasa likod ng dike ang mga kabahayan.

Hindi lang isa kundi tatlong butas ang nakita sa istruktura, batay sa mga larawang at bidyong ipinadala ni Cotiamco sa himpilan.

Ikinuwento rin ni Cotiamco na naipasa na niya ang ulat sa opisina ni Congressman Rufus Rodriguez, dahil hindi siya marunong gumamit ng website ng Sumbong sa Pangulo.

Samantala, patuloy pang bineberipika ng Bombo News Team kung ang nasabing flood control structure na proyekto ng Jejors Construction firm na nakabase sa Camiguin.

Batay sa dokumentong hawak ng news team, ang proyekto ay tinatawag na Cugman River Flood Mitigation Structure, Tablon Phase 7, may kontratang nilagdaan noong Enero 25, 2024, na may bidding amount na mahigit ₱8.9 milyon.

Nilagdaan ito ni Mayor Rolando Klarex Uy at ni Jordan Tiu, authorized representative ng Jejors Construction Corporation, at ginawaran ng notaryo ni Atty. James Judith.

Sa isa pang dokumento, nakasaad na isinailalim sa bidding ang proyekto noong Hulyo 27, 2023 sa ilalim ng City Engineering Office.

Pinondohan ito mula sa 2023 Annual Budget sa pamamagitan ng 20% Development Fund, na may aprubadong budget na ₱9,000,000.