CAGAYAN DE ORO CITY – Iminungkahi ng grupong Mayors for Good Governance(M4GG) sa mga mismong politiko na kunwari nagsagawa ng imbestigasyon patungkol sa ibinulgar ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr na malawakang nakawan ng bilyun-bilyong pondo na umano’y para sa government flood control projects na kusang dumistansiya.
Ito’y sa kabila nang isinulong nila ni M4GG convenors Baguio City Mayor Benjamin Magalong at Kauswagan town,Lanao del Norte Vice Mayor Rommel Arnado na dapat malaya mula sa impluwensiya ng mga politiko ang isagawa na imbestigasyon patungkol sa nasabing isyu.
Sinabi ni Arnado sa Bombo Radyo na mas mainam na isang independent investigation ang isagawa dahil ilan sa mga kasalukuyang upo na mga elected government official ang direktang isinangkot na umano’y nakipagsabwatan sa mga ahensiya ng gobyerno na dadaanan ng mga proyektong imprastraktura.
Ipinunto rin nito na bakit nakatuon lang ang imbestigasyon sa ilang mga opisyal sa Department of Public Works and Highways at projects contractors na kung tutuusin ay mayroong partisipasyon ng mismong mga politiko na nasa likod ng mga kuwestiyonable na mga proyekto.
Magugunitang kapwa nagsagawa ng imbestigasyon ang Senado at Kamara ukol sa ibinulgar na anomaliya ni Marcos kung saan hinikayat pa nito ang ilang mga miyembro na makaramdam naman umano ng pagkahiya sa totoong taumbayan.