CEBU CITY – Nanganganib na masibak sa kanyang trabaho ang hepe ng Argao Police Station sa Cebu.
Ito’y matapos madiskubreng pinapatulog ni Ildefonso Miranda sa kanyang quarters ang isang babaeng detainee.
Gumugulong na sa ngayon ang imbestigasyon ng Police Regional Office-7 sa kontrobersiyang kinasasangkutan ng pulis.
Ayon kay PRO-7 Director Pol. B/Gen. Albert Ignatius Ferro, hindi kukunsintihin ng kanyang pamunuan ang mga pulis na gumagawa ng masama.
Aniya, sapat na ebidensiya ang pagpapatulog ng hepe sa isang preso sa kanyang opisina kahit na alam nitong ipinagbabawal ito.
Bukas si Ferro sa panukalang isasailalim sa drug test si Miranda na pansamantalang nakakustodiya sa holding unit ng Philippine National Police (PNP).
Tiniyak naman ng opisyal na walang special treatment na ibibigay sa hepe.
Samantala, kabilang sa pinaiimbestigahan ang iba pang pulis sa Argao Police Station dahil sa insidente maliban na lamang sa dalawang pulis na siyang nagbigay umano ng impormasyon sa PRO-7 tungkol sa sitwasyon.
Una nang ni-raid ng Integrity Monitoring and Enforcement Group ng PNP ang quarters ni Miranda at doon natagpuan ang detainee na si Jenie Villanueva na nahaharap sa kaso kaugnay sa illegal drugs.