Inaasahang hihiling ang Poland ng karagdagang assets ng Amerika na ipapadala sa border nito sa Ukraine.
Ito ay matapos pasukin na rin ng Russian drones ang airspace ng Poland nitong Miyerkules, Setyembre 10.
Sa isang statement, kinumpirma din ni Poland President Karol Nawrocki na nagkausap sila ni US President Donald Trump kasunod ng incursion ng drones ng Russia.
Kabilang sa mga posibleng hilingin ng Poland sa kaalyado nitong Amerika ay ang deployment ng US Patriot battery sa border.
Una rito, muling idineploy ng US ang naturang battery na nasa Rzeszow, ang pinakamalaking siyudad sa southeastern Poland sa ibang lugar at ang kasalukuyang nag-o-operate sa border ay ang asset ng Germany.
Kasalukuyan namang inaantay din ng Poland ang binili nitong F-35 fighter jets kung saan nasa inisyal na apat ang inaasahang darating sa Enero.
Samantala, nakahanda naman ang European Union na magpataw ng karagdagang sanctions package kasunod ng Russian drone incursion sa Poland.