Wala namang naitalang kahit anumang karahasan sa ngayon ang Philippine National Police (PNP) sa malaking bahagi ng Cebu matapos na yanigin ito ng magnitude 6.9 na lindol nitong Martes ng gabi.
Ayon sa ulat ni Directorate for Police Community Relations Deputy Director PBGen. Antonio Marallag, walang naitala ang mga regional offices ng Pambansang Pulisya na mga kaso ng karahasan gaya ng nakawan at iba pa matapos ang naging lindol.
Ayon pa kay Marallag, inuumpisahan na ang rehabilitasyon sa rehiyon dahilan para magpakalat din sila ng ilang tauhan mula sa kanilang hanay na siyang makikipagtulungan para mapabilis ang mga gagawing operasyon.
Maliban dito naka-standby na rin ang PNP Reserve Support Force (RSSF) na mayroong kabuuang bilang na 540 kung saan mula rito 312 ang mula a Police Regional Office 7, 116 ang mula sa PRO Eastern Visayas, habang 112 naman ang mula sa hanay ng Negros Island Region para sa mas pinalakas na pagtugon ng pulisya sa pangangailangan ng mga mamamayang Pilipino.
Samantala, kasalukuyan pa rin nagpapatupad ng seguridad ang buong hanay ng pulisya sa rehiyon bilang bahagi ng kanilang pagiging full alert status habang tuloy-tuloy rin ang mga ikinakasang rehabilitation operations sa lugar.