-- Advertisements --

Nilinaw ngayon ng PNP CIDG na wala pa silang namomonitor na may nakapasok na mga pekeng Pfizer vaccine sa bansa.

Ayon kay PNP CIDG Director MGen. Albert Ignatius Ferro, na wala pa silang namonitor na may nagbebenta ng mga pekeng Covid-19 vaccine.

Aniya, ang mahigpit nilang tinitutukan sa ngayon ay ang paglipana ng mga pekeng RT PCR test na ibinibenta online, pamamahagi ng gamot na Ivermectin bilang gamot sa Covid-19.

Una ng ipinag utos ni DILG Sec. Eduardo Año sa PNP at civilian authorities na imonitor ang mga pekeng Pfizer vaccine dahil delikado ito.

Ayon naman kay PNP Chief Gen. Debold Sinas, kanilang minomonitor ngayon ang pamamahagi ng Ivermectin bilang gamot sa mga indibidwal na infected ng Covid-19.

Sinabi ni Sinas mahigpit na ipinagbabawal na gamitin ang nasabing gamot sa mga pasyenteng may Covid kaya mananagot sa batas ang sinumang mahuhuli na mamamahagi nito.

Nilinaw naman ni Sinas na hindi bawal ang pagbebenta ng Ivermectin dahil legal naman itong ginagamit.

Ang bawal ay kung ipagamit ito sa tao bilang gamot sa Covid-19 at walang prescription ng doktor.

Kinumpirma din ni Sinas na minomonitor ng PNP ang ilang kilalang personalidad na namamahagi ng Ivermectin.

Paliwanag ni Sinas na hindi naman nila pwede puntahan ang nasabing indibibwal kung sa pribadong paraan ito namahagi.

Aniya, papasok lamang ang PNP sa sandaling may mga complainant o magrereklamo dito.

Papasok lang din ang CIDG kung in flagrante masyado ang pamamahagi ng Ivermectin gaya sa mga kalsada o mga opisina.

Sinabi ni Sinas, hindi sila mag aatubiling hulihin at arestuhin ang mga indibidwal na hayagang namamahagi ng Ivermectin.