Arestado ang dalawang Chinese national sa Barangay Valenzuela sa Makati matapos na mahulihan ng mga hindi lisensyadong baril at isang Chinese flag.
Ayon sa Makati City Police Station, ikinasa nila ang operasyon matapos na makatanggap ng tip mula sa isang informant at maging sa bisa ng isang search warrant para mapasok at mahalughog nila ang tahanang tinutuluyan ng mga suspek.
Dito na tumambad sa pulisya ang iba’t ibang kalibre ng baril na pawang mga walang lisensya o sapat na dokumento o mga loose firearms.
Kabilang sa mga baril na nasakote sa operasyon ay isang automatic shotgun, sniper rifle, kalibre 45, rebolber at iba’t ibang klase ng bala.
Tinitignan naman na ng otoridad kung ang mga naarestong chinese nationals ay maiuugnay sa Philippine Offshore Gaming Operations (POGO) matapos na mapagalamang 10 taon nang pabalik-balik sa bansa ang naturang mga dayuhan.
Samantala, maliban naman sa kaugnayan nito sa POGO ay tinitignan na ring isa pang anggulo ang posibilidad na mga espiya o miyembro ang mga suspek ng People’s Liberation Army ng China.
Agad namang isasailalim sa ballistic examination ang mga naturang baril para malaman kung kailan ito huling pinaputok at kung nagamit ba ito sa mga nakaraang krimen.
Sa kasalukuyan ay nananatili sa kustodiya ng Makati City Police Station ang mga dayuhan at siya namang nahaharap sa mga reklamong paglabag sa Republic Act 10592 o mas kilala bilang Comprehensive Law on Firearms and Ammunition.