Nagdaos ng joint sea at air patrols sa West Philippine Sea (WPS) ang militar ng China nitong Sabado, ayon sa pahayag ng People’s Liberation Army (PLA) Southern Theater Command.
Sa isang statement sinabi ni PLA Spokesperson Tian Junli na ang Pilipinas ay nakipag-ugnayan sa mga bansang hindi kabilang sa rehiyon upang magsagawa ng “joint patrols,” na naging sanhi umano ng pagtaas ng mga panganib sa seguridad sa rehiyon.
Ipinahayag din ni Tian na nananatiling alerto ang mga pwersa ng PLA at matibay nilang ipinaglalaban ang soberanya ng China sa mga karapatang pandagat nito.
Idinagdag din niya na ang mga military activities ng PH sa iba pang mga kaalyado nito ay lalo aniyang magpalala sa WPS o maaring magdulot ng ”flashpoints.”
Wala namang tugon ang Embahada ng Pilipinas sa Beijing.
Magugunita na ang tensyon sa pagitan ng China at Pilipinas ay patuloy na tumitindi dahil sa mga alitan sa teritoryo sa WPS, na isang mahalagang ruta ng kalakalan. Binanggit na rin na noong 2016, itinanggi ng China ang desisyon ng Permanent Court of Arbitration na nagsasabing hindi legal ang kanilang mga claim sa rehiyon.