-- Advertisements --

Kinumpirma ni Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) Spokesperson Winston Casio na kasalukuyan nang humihiling ang pamahalaan sa International Criminal Police Organization (Interpol) na magisyu ng isang red notice laban kay dating presidential Spokesperson Atty. Harry Roque.

Aniya, mahirap lamang ang magiging proseso nito dahil sa mga ipinapakita at ipinapakalat nito na siya ay isang biktima ng isang hindi umano’y isang political prosecution.

Sa kabila nito ay nanindigan naman si Casio na wala namang basehan ang mga pahayag na ito ni Roque at ang lahat ng mga proseso ay nakabase sa mga pisikal na ebidensya laban sa kaniya.

Magugunita na nitong Mayo, naglabas ang mga otoridad ng warrant of arrests laban kina Roque, kay Lucky South 99 representative Cassandra Li Ong at 48 iba pa para sa qualified trafficking at iligal na operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operations (POGO).

Ayon pa sa PAOCC, nakakalap sila ng mga ebidensya na magpapatunay na nagkaroon talaga ng human trafficking sa loob ng Lucky South 99 gaya ng torture, kidnapping, at sex trafficking kung saan nailigtas ang hindi bababa sa halos 158 na mga empleyado nito.

Samantala, nauna na dito ay itinanggi na nib Roque ang mga natuirang alegasyon at nanindigang wala siyang kinalaman sa mga operasyon ng Lucky South 99.