-- Advertisements --

Nanindigan si dating Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque na na hindi siya kusang aalis maliban na lamang kung personal siyang pauuwiin ni dating Pang. Rodrigo Duterte.

Sa isang panayam, sinabi ng dating Duterte appointee na mananatili siya sa The Hague, Netherlands upang suportahan si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa kinahaharap nitong kaso sa International Criminal Court (ICC).

Ginawa ng abogado ang naturang pahayag sa kabila ng naunang statement ng legal counsel ni Duterte na si Nicholas Kaufman na ayaw umano ng dating pangulo na makialam si Roque sa kaniyang kaso.

Iginiit pa ni Kauffman na mas mabuti na lamang na harapin ni Roque ang sarili niyang mga kaso sa Pilipinas.

Ngunit iginiit ng dating tagapagsalita ng dating pangulo na nangako siyang hindi niya ito iiwan.

Ani Roque, mananatili siya hanggang sa huli.

Nilinaw din ni Roque na wala silang away ni Kaufman dahil wala siyang paki-alam sa kaniya.

Aniya, limang buwan na niyang hinahawakan ang kaso ni Duterte at wala umanong narinig ang taumbayan na anumang pagpuna mula sa kaniya ukol sa paraan ng paghawak niya sa kaso ng dating pangulo.